Monday, August 27, 2012

Barkada nga eh!


Ang sarap sa pakiramdam kapag gumraduate ka na. Yung tipong magtatrabaho ka na at kikita ng pera. Yung hindi mo na kailangan mag aral para sa isang exam. Basta yung mga bagay na kinaaasaran mo nung nag aaral ka pa, e hindi mo na mararanasan. Pero masaya nga ba? O masaya lang dahil nalagpasan mo na yung mga paghihirap?

Isa sa mga natutunan ko habang nag aaral pa ko ay yung pakikisama. Natutunan kong umiyak, tumawa, matakot at maging masaya sa harap ng barkada. Barkada ang madalas nating nagiging dahilan kung bakit patuloy pa rin tayong pumapasok sa skwela bukod sa makapasa tayo at wag maabsent. Nakakatuwang isipin na sa dinami rami ng tao sa mundo, isa ko sa mga pinaka maswerteng tao dahil nakatagpo ako ng mga barkadang tanggap ako. Tanggap yung ugali ko lalong lalo na yung kaharutan ko. Bibihira na lang yung grupo ng mga taong kaya mong ituring bilang isang tunay na kaibigan. Pero sabi nga, wala namang permanente sa mundo. Pagkatapos ng graduation nyan, panigurado magkakawatak watak na. May ibang nagiging busy sa trabaho at pamilya at di rin maiiwasan na magkaron ng mga taong nakakalimot. Pero diba nasa tao pa rin naman ang desisyon? Nasa kanya kung gusto nya na lang makalimot at iwanan yung mga kaibigan nya.

Ngayon palang, habang kasama mo pa sila ng halos araw araw, pahalagahan mo na sila. Gawin mong memorable lahat ng araw nyong magkasama. Hangga’t maari puro na masasaya yung gawin nyo. Kasi pag gumraduate na kayo, hindi maaalis yung possibility na magkahiwahiwalay na kayo. Maging masaya ka sa kung anong meron ka ngayon.

-------------------

Sa sarili kong pananaw, ako yung taong hindi mabilis makalimot. Tipong yung simpleng nagawa mo, hindi ko makakalimutan yan, yung candy na binigay mo, hindi ko itatapon yan. E pano pa kung napasaya mo ko? Mas lalong hindi kita makakalimutan. Para sa mga barkada ko, alam nyo na kung sino kayo, hindi ko kayo makakalimutan. Tandaan nyo yan. Kahit sa saglit na panahon lang, napasaya nyo ko ng sobra. Sa bawat tsismis, tawanan at dramahan, magkakasama tayo. Basta, isang text at chat nyo lang, magrereply agad ako. Isang tawag nyo lang, sasagutin ko na agad.

Pero dahil nga wala ulit permanente sa mundo, kahit third year palang tayo, gusto ko na kayong pasalamatan. Ang layo na ng pinagdaanan naten, may iyakan, may tawanan at kung anu ano pang klase ng problema. Salamat mga kaibigan! Nasaktan ko man kayo noon, pinapangako ko sa inyong hindi na mauulit yon. Basta pakiremind na lang ako palagi na magbago ng pag uugali ko. Kilala nyo na naman ako, dba? Pero promise babaguhin ko to. Pero kung yun nga, nasaktan ko man kayo ng sobra, humihingi ako ng sorry. Lalo na kung minsan nasasaktan na kayo sa mga sinasabi ko kase madalas hindi naman ako aware at yun na rin yung nakagawian ko mula nung high school pa ko kaya mahirap na din baguhin. Pero ittry ko ngang baguhin para sa inyo. Basta salamat sa lahat. Walang kalimutan. Okay? Mahal ko kayo e pati na rin kayo. Mamimiss ko kayo. AS IN. Lahat kayo. =)

Sunday, August 26, 2012

Thesis


Midterm na! Wala pa rin akong nasisimulan. Bakit ba naimbento ang thesis? Panigurado, hindi lang naman ako yung estudyante na nagtataka dito. Pero, ang tanong ko, batayan ba ang thesis para makapasa ka?

Isa sa pinakamahirap na daranasin mo daw kapag college ka na ay ang paggawa ng thesis, sumunod na lang dito ang pagdedefense. Bilang isang college student, aaminin ko, mahirap gumawa ng thesis kahit hindi pa rin ako gumagawa hanggang ngayon. Nahirapan ka na nga sa pag iisip ng topic, mahihirapan ka pa din sa pagreresearch tungkol dito. Kailangan mo gumawa ng survey at questionnaires, mag isip ng panimula, solusyon at kung anu ano pa. Eto yung tipong gagana at dudugo talaga ang utak mo. Siguro nga, batayan nga talaga to para makapasa ka sa college. Maaaring isang paraan din to para maihanda ka nila sa mas mahirap pang pag iisip na daranasin mo kapag nagtrabaho ka na.

Sa mga gumagawa ng thesis, sulitin nyo na ang pag gawa. Mamimiss nyo din yan kapag gumraduate na tayo. Tiwala lang naman ang kaya nating gawing solusyon pag gumagawa tayo ng thesis eh. Malalampasan din natin to. Magtiwala lang tayo sa mga kagroup natin at sa sarili natin pati na rin sa mga kapeng iinumin natin na sana makatulong para matapos natin agad at mapasa ang ating thesis.

Monday, August 20, 2012

ISANG sulat para sa DALAWANG kaibigan


Dear _______ & ________,

                Hi. Napakamahiyain ko para dito ko pa sabihin to pero sana basahin nyo ng mabuti to, intindihin at isapuso yung nilalaman. 2 years na halos tayong magkakakilala pero sa 2 years na yon, hindi ko akalaing ganito yung magiging pakikitungo ko sa inyo. Masaya pero bakit ganun? Hindi ko alam kung bakit masaya. Walang explanation, ang alam ko lang, masaya akong kasama kayo. Very unexpected talaga yung nangyari. Seryoso. Kase, basta kayo na lang nakakaalam nung dahilan na yun.

                Nung una ko kayong nakilala, hindi ko naman akalain na aabot tayo sa ganito. Hindi naman tayo magkaka-ugali noon. Yung isa, napakabait ng dating pero sobrang tahimik kung pagmamasdan, na nagmumuka syang loner minsan. Yung isa naman, first impression ko e mataray talaga, yung akala ko hindi kita makakaclose.  Hindi ko na alam kung pano ko kayo nakasama at kung kelan ko kayo unang nakausap. Huhulaan ko na lang. Yung isa, alam ko inaya ka namin na sumama samin non, kase akala ko talaga loner ka, ayoko namang nakakakita ng ganun so ginusto kong makipagkaibigan sayo.  Yung isa naman, hindi ko talaga alam kung papano e, siguro kase madalas tayong magkatabi noon, kase magkalapit lang yung surname nating dalawa. Kaya ayon siguro, nagkaka-kwentuhan tayo ng dahil dun.  Second sem na ata nung sobra ko kayong nakilala at nakakwentuhan. Pero tama na yung pagkwento tungkol sa kung pano tayo nagkausap usap. Kukwento ko na lang kung pano ko naging masaya.

                Etong si una, napakabait nito, yung tipong gugustuhin mo syang makasama kasi para kang may kasamang kapatid na nakakatanda sayo. Hindi ko akalain na magiging masaya kong kasama kita kasi ang taas ng respeto ko sayo. Hindi lang dahil sa turing namin sayo kundi dahil ang bait mo talaga. Minsan nga dahil sa kabaitan mo, hindi ko akalain na may harot ka rin pala sa katawan. Hindi naman siguro yun dahil sa amin, diba? Pero eto, totoo talaga, alam mo bang kahit minsan e hindi ako nagalit o nainis o naghinanaing sayo? Ewan ko kung bakit.

                Eto namang si pangalawa, masasabi kong sa loob ng 2 years, ang dami na nating pinagdaanan. Bakit kamo? Siguro kase, ang dami na nating problemang nalagpasan? Ewan ko. Bakit pagdating sayo, kapag nagkakaproblema tayo, hindi ako napapagod na gumawa ng solusyon. As in. Kahit minsan, hindi ko sinabing “pagod na ko”. Kasi siguro gusto pa kitang makilala. Hindi dahil hindi ko pa alam yung ugali mo. Siguro dahil gusto ko lang kayo makasama pa. Alam ko, napaiyak na kita noon, pero gusto kong malaman mo na kapag ako, nagpaiyak ng kaibigan, bumabawi ako ng grabe sa kanya. Yung tipong kailangan kong palitan yung luhang nilabas nya ng dahil saken.

                Bihira akong magbigay ng buong pagtitiwala sa kaibigan. Tama naman na mahirap magtiwala sa isang tao, diba? Lalo naman sa dalawang tao pa. Doble yung hirap nun. Pero alam ko namang hindi nyo basta basta sasayangin to at puputulin na lang bigla. Gusto kong malaman nyo na kayo ang unang makakaranas ng ganito mula saken. Hindi yung mapagkatiwalaan. Unang makakaranas ng kadramahang ganito. Madrama kong tao, oo, inaamin ko naman yun. Pero yung pagdadrama na to e hugot na hugot talaga sa puso. Naks, diba?

                Ayokong mangako na hindi tayo magkakaron ng problema. Ayoko rin namang magsalita o magsabi ng tapos. Yung ugali ko, hanggang ngayon pinaprocess pa rin na baguhin. Pero gusto kong malaman nyo na hindi ako mapapagod na mag-isip ng solusyon kung magkaproblema man tayo. Hindi ko kayo basta na lang iiwan, isusuko at babalewalain. Pero kung sakali man na magkaproblema tayo, at nahiwalay ako sa inyo, tandaan nyo na hindi ako basta basta nakakalimot sa kaibigan lalo na kung kayong dalawa yun. Basta, diba nga paulit ulit kong sinasabi sa inyo na masaya ko kase kayo yung kasama ko. Ayoko ng maputol talaga to. As in. Hindi ko alam kung pano magiging reaksyon ko kapag nahiwalay ako sa inyo. Pero basta. Lagi nyo na lang basahin to. Ginawan ko kayo ng ganito kase ganito ko ka-thankful dahil nakilala ko kayo at nakasama ko kayo. Siguro naman, ng dahil dito sa sulat na ‘to, malalaman nyo ng masaya kong kasama kayo, diba? Basta thank you sa inyong dalawa. Sana magtuloy tuloy pa talaga ‘to, yung tipong wala ng katapusan. The best kayo eh. As in. =)

Saturday, August 18, 2012

Tunay na kaibigan


Ang sarap sa pakiramdam ng may kaibigan ka, yung lagi kang may kasama, kakwentuhan, kaharutan at kahit kaiyakan pero diba mas masarap kung yung kaibigan na yun e sobrang kaclose mo? Yung tipong palagay yung loob mo sa kanya? Yung tipong may tiwala ka talaga sa kanila?

Sa panahon ngayon, ang hirap ng magtiwala sa tao. Hindi lahat handang itago lahat ng sikreto mo, hindi lahat ay totoo. Napakaswerte mo na kung makakatagpo ka ng kaibigang kagaya nito, yung hindi na sya iba para sayo. Yung sobrang sarap nya makasama at lahat kaya mong sabihin sa kanya.  Pareho kayo ng kinaaayawan at pareho din kayo minsan ng kinahihiligan. Minsan kung umasta pa kayo e para kayong mag best friend pero hindi naman. Sadyang may mga magkakaibigan lang talaga na sa sobrang pagpapahalaga nyo sa isa’t isa, sumosobra na rin yung turing nyo sa bawat isa. Sobrang magka close kayo at wala na talagang topic na hindi buhay kapag kayo ay nagkukwentuhan. Sa bawat problema, lagi mong ginugusto na magkaayos kayo yung tipong hindi mo sila isusuko, yung hindi ka napapagod para suyuin lang sila at maayos yung problema nyo. Sa bawat chismis, sabay kayong makibalita sa iba. Sa bawat kalokohan, magkasama kayong tumatawa at nagsasaya. Masarap sa pakiramdam kapag nahanap mo na yung totoo mong kaibigan. Hindi ka pinupuna sa gusto mong gawin, yung tanggap ka kung ano yung ugali mo, yung may limitasyon yung ginagawa mo kasama sila pero walang hangganan yung kasiyahan.

Mahirap ipagkatiwala ang tiwala sa isang tao pero masarap sa pakiramdam kung pinagkakatiwalaan ka. Pahalagahan mo yung mga taong nakapaligid sayo gaya ng pagpapahalaga nila sayo. Bigyan mo sila ng respeto na nararapat para sa kanila. Ituring mo sila na isang tunay at mapagkakatiwalaang kaibigan. Bihira na lang sa mundo yung ganyan. Malay mo, kapag binitawan mo sila, hindi ka na ulit makahanap ng kagaya nila. Mahalin mo sila na parang isang tunay na kapatid. Magtiwala ka lang, masusuklian din yung pagpapahalaga mo para sa kanila.

Monday, August 6, 2012

Delubyo

Tuwing may pasok lalo na kung tuwing June hanggang October, madalas natin itong nararanasan. Madalas, mas hinihiling ito ng mga estudyante para mawalan ng pasok. Pero alam ba natin ang mga masasamang dulot nito, hindi lang sa atin kundi sa mga taong walang permanenteng tirahan?

Maraming dulot ang bagyo sa atin, kadalasan nga lang ay masama at nakakaperwisyo pa. Sa tuwing nagkakaron ng bagyo, nag iiwan ito ng kalat sa mga kalye. Nag iiwan ng mga bakas na kung saan maraming tao ang naaabala at nasasalanta. Sa isang katulad kong estudyante, hindi mawawala sa atin ang kasiyahan sa tuwing mawawalan ng pasok lalo na kung ang dahilan pa ay ‘suspension of classes’. Kadalasang dahilan ng pagkawala ng pasok bukod sa pagkakaroon ng holiday ay dahil sa bagyo. Pero alam nga ba natin ang tunay na dinudulot ng bagyo sa atin? Maraming tao ang nasasalanta ng bagyo lalo na yung mga taong walang tirahan at nasa tabi lamang ng ilog o dagat nakatira. Noong tayo ay bata pa lamang, sinasabi ng matatanda na hindi nila ito nararanasan. Tama naman na iba na nga ang mga tao ngayon, minsan makakita ng bakanteng lote, magtatapon na agad ng basura. Minsan makakakita ng basura sa daan, dadaanan lang natin at titignan. Sa underpass malapit sa FEU, sinasabi ng mga matatanda na hindi ito kahit minsang napuno ng tubig ng dahil sa baha. Siguro ang dahilan lang nito ay ang pagtatapon ng basura ng mga tao na dumadaan at nakapaligid dito. Ang Marikina, umaabot na rin ng hanggang lagpas tao ang baha. Ang bagyo rin ang nagiging dahilan kung bakit maraming tao ang nawawalan ng tirahan at namamatay. Ang mga bahay na dating hindi naaabot ng baha, ngayon ay binabaha na. Nakakapagtaka lang na ng dahil lang sa kapabayaan natin, maraming tao ang nawawalan ng tirahan at nasasalanta.

Bilang estudyante, sana hindi lang natin naiisip yung sarili natin, sana isipin rin natin yung mga taong maaaring maapektuhan nito. Kung gusto mo ng walang pasok, wag ka na lang pumasok pero wag mo hihilingin na sana bumagyo ng malakas dahil swerte ka at nakatira ka sa isang ligtas na lugar

Wednesday, August 1, 2012

Pakopya


Naranasan mo na ba ang mangopya? Sabi nila hindi mo mararamdaman ang pagiging isang tunay na estudyante kung hindi ka mangongopya. Pinakamabisang paraan raw ito para makapasa. Maraming paraan ang naiisip ng isang estudyante sa tuwing mangongopya.

Isa sa mga paraan na ginagawa tuwing mangongopya ay ang pagtotoka toka. Sa pagtotoka toka, nandyan na ang pag-aasign sa bawat kaklase ng mga kinakailangan nyang tandaan at pag-aralan. Halimbawa, ang isa ay kinakailangang tandaan ang mga importanteng terms, meron ding mga taga-kabisado ng formula, taga-tanda ng mga dates at iba pa.

Sa pangongopya, mararanasan din natin ang mga kaklaseng nagiging ka-close mo bigla, yung tipong nagiging kaibigan mo lang tuwing may kailangan sila sayo, nag-eexist ka lang tuwing may magagawa kang kapaki-pakinabang sa kanila. Meron ding paraan ng pangongopya kung saan sinisipa nila ang upuan mo sa tuwing magtatanong sila, maaari din silang sumuwit o kaya naman umubo kapag kailangan ka na nila. May paraan din na kung saan may mga naka-assign na senyas sa bawat sagot. Halimbawa, sa true or false, ang katumbas ng true ay pag-ubo at katumbas ng false ay pagkamot ng ulo. Nauso rin ang paggamit ng scotch tape, hindi para sa pagbura kundi para makapagbigay ng sagot sa kaklase. Kadalasan itong nagagamit tuwing bawal magbura sa exam. Inilalagay nila ang mga sagot nila sa scotch tape kasama ang number nito. Sa pagcompute sa exam, magagamit rin ang pangongopya. Sa bawat scratch paper ng kaklase mo, sayo ang bagsak ng basura nila dahil may mga sagot ito sa loob.

Tuwing exam, meron ding tinatawag na team work. Dito, magtutulungan ang bawat isa para makapangopya ka sa kaklase mo. May pagkakataon na ang isa mong kaklase na madaldal ay kakausapin ng matagal ang teacher nyo para hindi nya mapansin na nagkokopyahan na kayo.

Maraming pang paraan ang pangongopya, konsensya na lang natin kung gagawin natin ito o hindi. Sabi nga nila “honesty is the best policy”, pero sabi pa rin nung iba pa “honesty is just a policy”. Mas ayos na nga raw ang mangopya ka lang kesa naman sa mangodigo ka. Sa pangongopya, alam mo pa rin sa sarili mo na may natatandaan ka pa rin sa mga itinuro sa inyo. Pero kung ikaw ay mangongodigo lang, wag ka na mag-exam kasi para mo na rin lang kinopya yung mga nasa libro. Ito lang naman ang payo na maaari nating maibigay sa mga nangongopya, mag-ingat ka dahil kapag nahuli ka masisira na yung tiwalang binibigay sayo ng teacher nyo.

Kaibigan

Minsan sa buhay natin, darating talaga ang mga problema. Mga problemang mahirap gawan ng solusyon, mahirap lagpasan. Sa pagkakaibigan, normal na yung magkakaron tayo ng problema. Minsan nalalagpasan agad, minsan naman hindi na. Naranasan mo na ba ‘to? Bato ka siguro kung hindi pa. Kahit gaano pa katatag pagsasamahan nyo, mawawala at mawawala din yan sa isang simpleng hindi pagkakaintindihan.

Noon, ang kulit nyo tignan. Araw araw na harutan, kwentuhan at murahan na may kasamang tawanan. Madalas kayong magkakwentuhan, nagsasabihan ng problema, nagsasabihan ng kalokohan sa buhay, magkatabi at sabay umuwi. Pero lahat ng iyon, nasisira ng dahil lang sa maling nagawa ng isa o ninyong dalawa. Kadalasan, pride ang nangingibabaw kaya hindi kaagad nagagawan ng paraan ang problema. Maaaring mataas ang pride, maaari din namang nagkakahiyaan lang talaga mag-usap. Lahat ng harot nyo sa isa’t isa, nawawala, nagiging matino at pormal na ulit yung usapan. Minsan, simpleng “hi” at “hello”, hindi pa natin magawa. Simpleng dahilan ng hindi pagkakaintindihan, lalong lumalala dahil minsan akala natin lalong nadadagdagan yung kasalanan natin sa kanila sa bawat araw na hindi pagpansin sa mga ito.

Pero sabi nga, lahat ng problema ay may solusyon, kung wala, napanghihinaan ka lang talaga ng loob at hindi mo sya kayang kausapin talaga. Kung gusto, maraming paraan at kung ayaw, maraming dahilan. Lagi na lang natin tandaan, yung mga kaibigan natin na nalalayo ang loob sa atin, naging isang malaking parte pa rin sila ng buhay natin. Hindi natin dapat sila basta na lang isuko. Kailangan natin silang ipaglaban dahil mahirap ang mawalan ng kaibigan. At kung tunay talaga kayong magkaibigan, kahit anong hadlang pa yan, malalagpasan nyo rin yan basta’t magkasama at tiwala lang sa isa’t isa. =)